Pagbabawal sa religious gatherings, ikokonsulta sa church leaders

Isasama ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease sa gagawin nilang pagpupulong ang lider ng iba’t ibang relihiyon ngayong araw na ito.

Ito ang inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, sa harap ng posibilidad na magkaroon ng mahigpit na panuntunan patungkol sa mass gatherings, kabilang dito ang worship services.

Aminado si Nograles, na mahirap sabihing ibawal na ang mga pagtitipong may kinalaman sa ispiritwal na aktibidad ng isang sekta kaya lubhang kailangan talaga na makonsulta dito ang church leaders.

Pag-uusapan aniya ito mamaya, at mula dito ay posibleng makapagpalabas na sila ng resolusyon tungkol sa naturang usapin.

Sa inisyal aniyang pag-uusap ng IATF, ay napagdesisyunang ipagbawal talaga ang worship services ngunit nangangailangan ani Nograles nang masinsinang pag-uusap tungkol dito.