Pagbabawal ng gobyerno na gawing taxi ang motorsiklo, muling inalmahan ng iba’t ibang samahan ng motor riders

Panahon na umano para maglabas ng regulasyon ang gobyerno at isama sa hanay ng transport network companies (TNCs) sa Pilipinas ang motorsiklo bilang ‘motorcycle taxi.’

Ito ang iginigiit ng grupong Transport Watch at iba pang organisasyon ng mga motorcycle riders na dumalo sa isinagawang ‘Unity Ride’ ngayong araw sa Quezon City.

Ang naturang aktibidad na nagsimula sa C.P. Garcia sa UP Diliman ay dumaan ng Commonwealth Avenue at nagtapos sa Quezon Memorial Circle ay bahagi ng pagpapakita ng protesta at pag-alma ng motor riders sa gobyerno.

Sinisingil ng samahan ang Department of Transportation (DOTr) na anila’y bigong sundin ang direktibang inilabas ni Quezon City Cong. Winnie Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development na amiyendahan ang department order na bumuo sa transport network vehicle service (TNVS) sa bansa.

Ayon kay Jobert Bolanos, interim chairman ng Motorcycle Rights Organization (MRO), nangako umano ang DOTr noong Hunyo 6 na maglalabas ng direktiba para maisama na ang motorsiklo sa TNVS bilang motor taxi pero pinaasa lang daw sila ng ahensya.

Matatandaan, Nobyembre noong nakaraang taon nang tuluyang ipatigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Angkas na isang TNC na gumamit ng motorsiklo bilang public transport.

Isa ang usapin ng kaligtasan ng mga mananakay sa ginamit na dahilan noon ng regulatory agency pero giit ng motor riders group dadaan sa matinding training ang kanilang mga driver bago mabigyan ng permit.

Sa press conference, nagpahayag ng pagkadismaya si Castelo dahil sa umano’y kawalang aksyon ng DOTr na solusyon sana sa matinding trapik sa Metro Manila at makapagbibigay pa ng trabaho sa mga may motorsiklo.

Nagpakita rin ng suporta sa isinusulong ng riders ang dating board member ng LTFRB at founding president ng grupong Lawyers for Commuters’ Safety and Protection (LCSP) na si Atty. Ariel Inton.

Isa ang grupo ni Atty. Inton sa mga nangunguna at matagal nang nagmumungkahi na gamitin sa public transport ang motorsiklo sa ilalim ng istriktong regulasyon ng mga kinuukulang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Shane Juan