Pagbabantay ng NFA sa mga pamilihan pinaigting, 614 nahuling lumabag

Dahil sa pinaigting na pagbabantay sa mga pamilihan ng National Food Authority (NFA) laban sa mga tiwaling negosyante ng bigas, may kabuuan ng 614 ang mga lumabag na nahuli sa loob lamang ng tatlong buwan ngayong taon.

Base sa ulat ng Security Services and Investigation Department ng NFA, sa kabuuang 6,986 establishments sa buong bansa na sumailalim sa inspeksyon sa unang kwarter ng taon, ang nasabing bilang ang nakitaan ng iba’t ibang paglabag.

Sinabi ni NFA Administrator Jason Aquino, kabilang sa mga paglabag ay ang non-renewal ng NFA license, nag-operate ng walang lisensiya, hindi pagsunod sa tamang rice box at display ng price tags at signboards.

May ilang NFA rice retailers din ang nahuling pinapalitan ang sako ng NFA rice para gawing commercial rice at maibenta sa mas mataas na presyo.

Sa ilalim ng ipinatutupad na one strike policy ng NFA, sinabi ni Aquino na lahat ng retailers na mahuhuli at mapatutunayang may mga paglabag ay pagmumultahin o di kaya ay tatanggalan ng akreditasyon na makapagbenta ng murang bigas ng ahensiya. | via Rey Ferrer