Pagbabalik trabaho ng mga naapektuhan sa pagsasara ng Boracay, nakadepende sa mga hotel at resort owner – DENR

Sa nakatakdang muling pagbubukas ng Boracay sa darating na Biyernes, aminado ang pamahalaan na may mga mananatili pa ring displaced workers na una nang naapektuhan noong isinara ang isla noong Abril.

Sa press briefing sa Palasyo, sinabi ni DENR Undersecretary for Environment and International Environment Affairs Jonas Leones, na tiyak na maaapektuhan dito ang mga trabahanteng naka-empleyo sa mga tinaguriang non-compliant hotels.

Sa kabilang banda’y sigurado namang makakabalik ang mga empleyadong nagtatrabaho sa mga hotel na nakatugon sa environmental requirements ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Tourism Department.

Binigyang diin ni Leones, na nasa kamay na ngayon ng mga may-ari ng hotel ang kinabukasan ng mga dating displaced worker upang ang mga ito’y makabalik sa kani-kanilang mga trabaho, at mangyayari ito kung magiging compliant ang mga hotel owner sa isla.

36,000 mga manggagawa ang naiulat na naapektuhan bago ang ginawang rehabilitasyon sa Boracay, anim na buwan na ang nakakaraan. | ulat ni Alvin Baltazar