Pagbabalik normal ng diplomatic ties ng Kuwait at Pilipinas, umuusad na

Matapos ang kontrobersiyang nalikha ng viral video ng pagtulong ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa ilang Pinay worker, pinagsisikapan ngayon ng Pilipinas at Kuwait na maibalik sa normal ang diplomatic ties at malagdaan ang isinusulong na Memorandum of Agreement.

Sa statement na ipinadala ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na kasama sa delegasyon ng Pilipinas na nakipag-pulong sa mga opisyal ng Kuwait, sinabi nitong pumayag ang Kuwait na lumikha ng special number o hotline para sa mga Fillipino workers na humihingi ng tulong at magiging bukas 24oras.

Dagdag ni Roque na bubuo din ang Kuwait ng isang special unit na magmumula sa kanilang police force na dito’y direktang makakapag-reklamo o makakahingi ng tulong ang sinomang OFW.

Kabilang din sa magandang development ng isinagawang pagpupulong ng Philippine delegation at Kuwaiti officials ay ang pagpapalaya sa apat na Filipino drivers gayundin ang pagpapauwi sa may 600,000 OFWs pabalik sa bansa, habang 150, 000 dito ay kasama ng makakauwi ng delegasyon ng bansa pabalik sa Pilipinas.

Ang Philippine delegation ay pinangungunahan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Belo III kasama si dating DOLE Secretary Marianito Roque, Labor Attache Rustico dela Fuente, at Deputy Chief of Mission in Kuwait Mohd Noordin Lomondot gayundin si Spokesperson Secretary Harry Roque. | via Rey Ferrer