Pagbabakuna, tiniyak ng pamahalaan na hindi magagamit sa politika

Binigyang diin ng National Task Force against COVID-19 na hindi masasamantala ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya ang vaccination drive ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Adviser for COVID 19 response Secretary Vince Dizon, hindi sila papayag na mapasukan ng pamumulitika ng sinomang kumakandidato ang vaccination efforts ng gobyerno.

Neutral sila at diretso ani Dizon sa taumbayan ang pakinabang ng pagbabakuna at hindi sa kaninomang tumatakbo na mga politiko.

Magiging tuloy tuloy at walang hinto ayon kay Dizon ang vaccination initiatives ng gobyerno na kahit panahon ng kampanya at mismong eleksiyon ay hindi aniya titigil ang pamahalaan sa pagbabakuna.

Kaugnay nito ay sinabi kamakailan ni Acting Presidential spokesperson Karlo Nograles na nasa 90 milyon ang tinatarget ng pamahalaan na mabakunahan ng administrasyon bago ang pagbaba nito sa June 2022.