Pagbabakuna sa nasa A4 at A5 priority group, minungkahi ni Sen. Go

Nakipagpulong kagabi si Senate Committee on Health Chairperson Senator Christopher ‘Bong’ Go sa mga opisyal ng ehekutibo, at ilang lider mula sa pribadong sektor, kung paanong mapapabilis pa ang rollout ng COVID-19 vaccination at maresolba ang logistical issues. 

Ayon kay Go, kabilang sa mga natalakay nila ay ang pagsisimula na ng pagbabakuna sa mga nasa A4 at A5 priority group. 

Ang mga nasa A4 priority list, ay ang mga frontline worker ng mga tinaguriang essential sector at mga unipormadong hanay ng gobyerno, habang ang nasa A5 list naman ang indigent population. 

Giit ng senador, kapag nasimulan na ang pagbabakuna sa A4 at A5 priority group, maaari namang maglatag ng express lane para sa mga natitirang nasa A1, A2 at A3 priority list na hindi pa nababakunahan. 

Kailangan rin aniyang bilisan ang vaccine rollout sa mga critical area gaya ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Pampanga, Laguna, Batangas, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao. 

Binigyang diin ng mambabatas, na ang mahalaga ay walang masayang na bakuna at panahon upang makamit na agad ng Pilipinas ang target nating herd immunity.