Pagbabakuna sa kabataan, posibleng sa September o October pa masimulan — Sec. Galvez

Posibleng sa September o October pa masimulan ang pagbabakuna sa mga kabataan.

Pahayag ito ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., nang tanungin kung isasabay na rin ba sa pagbabakuna ang mga edad 12 hanggang 15 taong gulang, lalo at inaasahan ang pagdating ng 2.2 million doses ng Pfizer vaccines sa bansa ngayong June.

Ayon sa kalihim, ang mga bakunang darating ngayong buwan ay ilalaan pa rin sa targeted population, na una nang itinakda ng COVAX Facility.

Ibig sabihin, prayoridad pa rin na mabigyan ng Pfizer vaccine ang mga medical frontliner, senior citizen, at mga indibidwal na may comorbidity.

Hinihintay pa rin aniya nila na maamyendahan ang EUA ng Pfizer sa bansa.

Sakali aniyang maaprubahan ang amendment sa EUA nito upang magamit sa mga kabataan, saka nila bubuksan ang pagbabakuna sa general public kasama na rito ang mga kabataan.