Pagbabakuna sa A4 priority list, posibleng sa Nobyembre pa matapos

Posibleng sa buwan ng Nobyembre pa matatapos ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga indibidwal na nasa ilalim ng A4 priority group.

Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ni NTF Consultant Dr. Ted Herbosa na tinatayang nasa 28 milyong Pilipino ang sakop ng katergoryang ito, kaya’t hindi ito matatapos sa loob lamang ng isang buwan, lalo’t mayroon pa ring limitasyon sa suplay ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Ito rin aniya ang dahilan kaya’t mainam na unahin munang bakunahan ang mga essential workers na nasa 40-50 taong gulang, dahil mas madaling kapitan ng virus ang mga ito, kumpara sa mga mas nakababata.

Sa ganitong paraan, mabibigyan aniya agad ng proteksyon ang mga vulnerable sa lipunan.

Tiniyak naman ni Dr. Herbosa na sa oras na dumami pa ang suplay ng bakuna sa bansa, maaari namang baguhin ang prioritization sa pagbabakuna.