Pagbabakuna, makakatulong sa pagpapataas ng kumpiyansa ng mga pulis

Makakatulong ang pagbabakuna sa pagpapataas ng kumpiyansa ng mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin sa frontline kontra sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police-Health Service Director, Brig. Gen. Luisito Magnaye, base sa kanyang karanasan.

Nakasanayan na aniya niya ang dobleng pag-iingat at pagsunod sa health protocols, pero hindi na siya nangangamba na mamatay sa COVID-19 mula nang mabakunahan.

Magugunitang si Magnaye ang unang police official na binakunahan sa PNP noong March 1 nang isagawa ang simultaneous nationwide symbolic vaccination.

Sa ngayon, fully vaccinated na si Magnaye at ayon sa kanya ay walang naging adverse effect sa kanya ang bakuna.

Gayunman, sinabi ng heneral na tuloy pa rin ang pagsunod niya sa minimum health protocols gaya ng madalas na disinfection, pagsusuot ng face mask at pag-obserba ng social distancing para na rin sa kaligtasan ng mga nakakasalamuha niya.