Pagbabago sa liderato ng PDP-Laban, ipinauubaya ni Sen. Pimentel sa mga miyembro

Nasa desisyon na ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) members kung magkakarooon ba ng pagbabago sa kanilang partido.

Yan ang pahayag ni PDP-Laban President Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel sa gitna ng ugong na leadership change sa partido.

Ayon kay Pimentel, matagal nang plano ng kanilang partido ang pagkakaroon ng isangĀ  national assembly kung saan isinasagawa ang botohan ng kanilang mga lider.

Dumating lang aniya ang panahon ng eleksyon kaya ilang beses itong na-delay.

Sinabi rin ni Pimentel, na dapat nang klaruhin ng mga kasamahan nila ang kanilang membership upang matukoy kung sinu-sino lang ang mga boboto sa gagawin nilang assembly.

Gayunpaman, nilinaw ng kasalukuyang PDP-Laban president, na wala pang katiyakan sa ngayon kung magkakaroon nga ng pagbabago sa liderato ng kanilang partido.

Mas mananaig pa rin aniya ang boses at kagustuhan ng kanilang mga miyembro.

Lumutang ang isyu ng pagbabago sa liderato ng PDP matapos lumipat sa National Unity Party (NUP) ang labindalawa sa kanilang miyembro.