Pagbaba sa pwesto ng PMA Corps of Cadets Commander, pinuri

Pinuri ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Marine Bgen Edgard Arevalo ang boluntaryong pagbaba sa pwesto ng Brigade Commander ng PMA Corps of Cadets na si Cadet First Captain Ram Michael Navarro.

Ayon kay Arevalo, ang kusang loob na pagbaba ni Cdt 1cl Navarro sa pinakamataas na posisyon bilang “baron” ng Corps of Cadets ay “commendable” at dapat pamarisan ng ibang mga lider.

Sinabi ni Arevalo, bilang isang “future officer” ng AFP, ipinakita ni Navarro na ngayon pa lang ay naisadiwa na niya ang prinsipyo ng “command responsibility”.

Nilinaw naman ni Bgen Romeo Brawner, commandant ng Corps of Cadets, na ang pagbaba sa pwesto ni Navarro ay hindi nangangahulugan na aalis na siya sa PMA.

Ayon kay Brawner, bababa lang ng pwesto at magiging brigade operations officer na si Navarro, habang papalit bilang brigade commander ng Corps of Cadets si Cdt 1cl. Marion Dale Cordova.

Paliwanag ni Brawner, ang posisyon ng brigade commander ng Corps of Cadets ay katumbas ng student council president sa pribadong sektor.