Pagbaba ng inflation rate, asahan na magtutuloy-tuloy hanggang 2020 – DBM

Naniniwala ang Department of Budget and Management (DBM) na muling maitatala ang inflation rate ng bansa sa dalawa hanggang apat na porsiyento sa susunod na dalawang taon.

Ang dahilan ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, humupa na ang presyo ng mga produkto na nagpapataas sa inflation o ang halaga ng mga pangunahing bilihin.

Contributory factor dito ayon sa Kalihim ay ang patuloy na mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para matiyak na stable ang food supply sa merkado, partikular na sa suplay ng bigas, karne at gulay sa palengke.

Matatag ani Diokno sa ngayon ang suplay sa mga pamilihan ng nasabing mga pagkain habang nagbigay garantiya naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sapat ang suplay ng isda sa mga palengke.

Ilang oras pa lamang ang nakalilipas ay nag-anunsiyo ang Philippine Statistics Authority (PSA), na bumaba na sa 6% ang inflation rate noong nagdaang buwan mula sa dating 6.7 percent noong Oktubre ng kasalukuyang taon. | ulat ni Alvin Baltazar