PAGASA Weathermen Employees Association, umalma sa inisyung notice of disallowance ng COA dahil umano sa sobra-sobrang natanggap na longevity pay

Nagpahayag ngayon nang labis na pangamba at pagkadismaya ang state weathermen ng PAGASA weather bureau at science workers ng Department of Science and Technology (DOST).

Ito ay matapos mag-isyu ng notice of disallowance ang Commission on Audit (COA) at ipinababalik ang umano’y sobra-sobrang longevity pay na kanilang natanggap sa ilalim ng implementasyon ng Republic Act No. 8439 o ang Magna Carta para sa mga scientists, engineers, researchers at iba pang S&T personnel ng gobyerno.

Ayon kay Philippine Weathermen Employees Association (PWEA) President Ramon Agustin, hindi na umano mapakali ang PAGASA workforce sa kung paano maibabalik ang ipinasasauling allowance na ilang taon na nilang napapakinabangan.

Paliwanag ni Agustin, labing-limang taon nang natatanggap ng government science workers ang allowance base na rin sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas at umiiral na DOST Administrative Order No. 005 na epektibo noon pang taong 1999.

Malaking tulong aniya ang longevity pay sa kanilang hanay dahil sinusolusyunan nito ang isyu ng ‘brain drain’ sa science community ng Pilipinas at napipigilan ang pangingibang-bansa ng mga tinatawag na seasoned weather forecasters ng ahensya.

Umapela naman ang pamunuan ng PAGASA sa COA at sinabing ligal at regular ang ibinayad na allowance sa kanilang mga opisyal dahil dumadaan naman ito sa masusing auditing at walang intensyon ng misrepresentation sa kanilang panig.

Kasabay nito, nanindigan ang PWEA na dapat manatili at maseguro na hindi matitigil ang benepisyong ito ng mga weathermen at iba pang kasamahan sa science community ng bansa. | ulat ni Shane Juan