PAGASA weather bureau, muling pinaalalahanan ang publiko na maghanda tuwing may kalamidad kasabay ng ipinagdiriwang na Typhoon and Flood Awareness Week

Kasabay ng selebrasyon ngayon sa Typhoon and Flood Awareness Week (June 18-24, 2018), muling nagpaalala ang pamunuan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather bureau sa publiko na palaging maging alerto dahil pumasok na ang panahon ng tag-ulan sa bansa.

Sa isang press briefing, binigyang diin ni DOST-PAGASA Administrator Dr. Vicente B. Malano na walang ligtas sa pananalasa ng kalamidad gaya ng bagyo kaya’t dapat magpatupad ang lahat ng kaukulang paghahanda.

Sinabi naman ni Weather Division Chief Dr. Esperanza O. Cayanan na bago pa man pumasok ang rainy season ay maaga na itong pinagplanuhan ng ahensya.

Kabilang aniya dito ang pagsailalim sa preventive maintenance ng kanilang rain gauges, hydro-meteorology devices at pag-review ng kanilang mga kawani sa warning protocols at patuloy na pag-survey para sa development ng flood hazard maps.

Maliban dito, naka-acquire din ng mga bagong kagamitan ang PAGASA gaya ng USSV unmanned sea vessel na tinatawag na ‘wave glider’ na ipadadala sa karagatan tuwing may bagyo upang makakuha ng real-time data ng weather parameters.

Kaugnay nito, iba’t ibang aktibidad pa ang inihanda ng weather bureau sa obserbasyon ng Presidential Proclamation No. 1535 sa pakikipagtulungan ng Philippine Science Journalists Association, Inc. (PSciJourn) at iba pang government agencies.

Kabilang dito ang patuloy nilang serbisyo sa pagbibigay ng mga impormasyon patungkol sa bagyo, baha at risk reduction sa pamamagitan ng isinasagawang climate forum, interactive exhibits at annual media seminars. | ulat ni Shane  Juan