Pag-uulat ng pamahalaan sa COVID vaccination figures, walang panlilinlang, ayon sa MalacaƱan

Walang panlilinlang sa paguulat ng pamahalaan ng mga numero o datos kaugnay sa COVID-19 vaccination program ng bansa.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng ulat ng Our World in Data na pang-walo ang Pilipinas sa ASEAN Region pagdating sa porsyento ng populasyon na nabakunahan na laban sa COVID-19.

Kung matatandaan, nitong mga nakaraang linggo, ang Pilipinas ay nasa ikalawang pwesto sa ASEAN region, sa usapin ng bilang ng mga bakunang naiturok na.

Ayon kay Secretary Roque, walang mali sa pagsasabi na nasa ikalawang pwesto ang Pilipinas sa rehiyon kung ang pag-uusapan ay ang bilang ng naiturok na COVID vaccines.

Kasama rin kasi aniya ito sa nasabing pag aaral.

Sinabi ng kalihim na sadyang mayroon lamang dalawang paraan upang tingnan ang mga numerong ito.

Una ay kung ilan na ang bakunang naiturok ng isang bansa, habang ang ikalawa naman ay ang porsyento ng populasyon ng isang bansa na nabakunahan na kontra COVID-19.