Pag-utang ng pamahalaan sa gitna ng pandemya, tiniyak ng Palasyo na maingat na ginagawa ng DOF

Binigyang-diin ng MalacaƱang na maingat ang pamahalaan sa ginagawa nitong pag-utang kapwa sa mga local at foreign resources.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, masusing pinag-aaralan ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez ang pag-utang ng gobyerno lalo’t may pinapangalagaang reputasyon ang bansa na may kinalaman sa pag-utang nito.

Ito, partikular na ayon kay Roque, ay ang magandang BBB+ sa credit rating ng Pilipinas na kapag napanatili ay may magandang benepisyo din namang dulot sa bansa.

Kapag maganda aniya kasi ang credit rating, mababa ang interest ani Roque na nakukuha ng bansa bukod pa sa mas marami ang gustong magpautang.

Matatandaang noong pre- SONA ay nabigyang-diin ni Dominguez ang kahalagahan ng pag-utang ngayong pandemya lalo na’t apektado din ng pandemya ang tax collection habang tumaas din sa kabilang banda ang expenses o gastusin ng gobyerno.