Pag-usad ng panukalang batas sa Senado para ma-amyendahan ang SSS Charter, ipinagbubunyi ng SSS

‘Welcome development’ sa pamunuan ng state-run na Social Security System (SSS) ang pag-usad na sa Senado ng panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act 8282 o ang Social Security Law of 1997.

Ito ay resulta ng sponsorship speech ni Sen. Richard Gordon noong nakaraang linggo upang madaliin ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang pagsasabatas sa Senate Bill No. 1753 na magbabago sa ilang probisyon ng Social Security Charter.

Ang hakbang na ito ay ikinukonsidera ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc bilang ‘long-term solution’ na mapanatiling matatag ang ahensya.

Sa ilalim ng proposed amendments sa SSS Charter, nakasaad ang pinalawak na kapangyarihan ng Social Security Commission na palakasin ang kanilang benefit system, investments at direktang pagpapataw ng multa sa mga delinquent employers nang hindi na kailangang dumaan sa pag-apruba ng Pangulo ng bansa.

Magbibigay daan din ito para sa mandatory coverage ng lahat ng overseas Filipino workers (OFWs) at sa pagpapalabas ng pondo para sa 2nd tranche ng P2,000 additional benefit ng pensioners.

Muli namang iginiit ni Dooc na hangga’t hindi naisasabatas ang Senate Bill No. 1753 ay walang kapangyarihan sa ngayon ang SSS managament maging ang SS Commission na magpatupad ng mga karagdagang benepisyo para sa kanilang mga miyembro at pensiyonado. 

| ulat ni Shane Juan