Pag-review, pagsisiyasat sa water concession agreement, suportado ng Makabayan Bloc

Naghain ang Bayan Muna ng isang resolusyon para sa agarang pagsisiyasat sa pinasok na kasunduan ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) sa dalawang water concessionaires na Maynilad at Manila Water.

Sa kanilang inihaing House Resolution 571, inaatasan ang House Committee on Government Enterprises and Privatization na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation patungkol sa concession agreement.

Kasunod ito ng ibinabang desisyon ng Singapore arbitration tribunal, nitong Nobyembre 29 na inuutusan ang gobyerno ng Pilipinas na magbayad ng P7.39 Billion sa Manila Water, dahil hindi umano pinayagan ng MWSS na magtaas ng singil sa tubig mula noong 2015.

Nais rin ipasilip ng mga mambabatas ang pagpapahintulot sa Manila Water at Maynilad na magtaas ng singil sa pamamagitan ng Foreign Currency Differential Adjustment na ginagawa kada quarter para mabawi ang ilan umanong pagkalugi.

Nadiskubre rin, na ipinasa din sa mga consumer ang bayarin sa income tax payments at operating expenses na dapat sana ay ang mga water concessionaires ang nagbabayad.