Pag-reassign sa Mindanao sa 11 pulis na nag-bash sa Facebook, hindi parusa — PNP Chief

Hindi parusa ang pag-reassign sa Mindanao sa 11 pulis na pinatawag ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa Crame dahil sa kanilang pag-bash sa kanya sa Facebook page na “Buhay Lespu”.

Ito ang nilinaw ng PNP chief kasabay ng pagkumpirma na pinalipat niya ang siyam na pulis na nag-report sa Camp Crame at ang dalawang pulis na hindi sumipot, sa iba’t ibang lugar sa PNP-ARMM.

Binigyang-diin ni Albayalde na ang tunay na parusa sa mga pulis na ito ay maaaring suspensyon, demosyon, o pagkatanggal sa serbisyo, dahil sa kinakaharap nilang kaso na “conduct unbecoming of an officer”.

Ayon pa sa PNP chief ang pag-reassign sa isang pulis ay normal na kalakaran lang sa PNP at doon niya inilipat ang mga ito dahil doon aniya kailangan ng mga matatapang na pulis.

Magugunitang pinahanap ni Albayalde sa PNP Anti-Cyber Crime Group ang mga pulis na pinagmumura siya sa Facebook page na “Buhay Lespu” dahil sa ginawa niyang surprise inspections noong siya’y NCRPO director.

Bukod sa unang 11 pulis na pinatawag, sinabi ni Albayalde na may 20 pang pulis ang ipapatawag dahil sa kanilang pambabastos sa nakatataas na opisyal sa social media.

Una nang sinabi ni Albayalde na bagama’t kinikilala niya ang ‘freedom of expression’, kung may pagtutol sa kanyang pagdidisiplina sa mga pulis, dapat sa PNP Grievance Committee sila magreklamo at hindi sa Facebook. | via Leo Sarne