Pag-post ng bail ng dalawang beses ng isang high-value drug target sa non-bailable offense, nakarating na sa kaalaman ng Pangulo — PNP

Nakarating na sa kaalaman ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkaka-post ng bail ng isang high value drug target ng dalawang beses para sa mga non-bailable drug offenses.

Ito ang sinabi ni PNP Drug Enforcement Group Director SSupt. Albert Ignatius Ferro matapos niyang iulat sa Camp Crame ang matagumpay na pag-recover ng PDEG ng isang kilo ng shabu mula sa safehouse ng miyembro ng sindikato na pinamumunuan ng high value drug target na isang Lee Ong Ping.

Ayon kay Ferro, ang leader ng sindikato na si Lee Ong Ping ay una nang naaresto sa droga noong 2012, at noong nakaraang taon, pero nakapag-piyansa at nakalaya sa dalawang pagkakataon.

Ito namang miyembro ng sindikato na si Yi Jang, ay naaresto nito lamang March 23 sa Makati, kasunod ng isang buy bust operation sa Alabang.

Ayon kay Ferro ang kanilang mga follow up operations ang nag-uncover ng safehouse ni Jang sa Muntinlupa kung saan na-recover ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P5 milyong piso.

Ayon pa kay Ferro, nakapagtataka kung paano nakapag post ng bail ang lider ng sindikato na si Lee Ong Ping kahit nahulihan ito ng 20 kilo ng shabu noong 2012.

Sinabi naman ni PNP Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde, kung pakawalan man ng korte ang kanilang nahuhuling mga high value drug personalities, ay walang magagawa ang PNP kundi hulihin uli ito kung lumabag uli sa batas. | via Leo Sarne