Pag-iisyu ng Executive Order, mas magpapatibay sa “No to Casino” policy ng Pangulong Duterte sa Boracay

Naniniwala ang Palasyo na makakatulong ang pag-iisyu ng isang Executive Order upang matiyak na mas magiging matibay at masusunod ang kagustuhan ng Pangulong Rodrigo Duterte na walang mangyayaring operasyon ng casino sa Isla ng Boracay.

Pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, noon pa naman ay malinaw na ang posisyon ng Presidente tungkol sa operasyon ng sugal sa nabanggit na isla.

Sinabi ni Panelo na ang Boracay para sa Pangulo ay para sa pamilya na hindi dapat mahaluan ng naturang anyo ng bisyo.

Ito aniya ang dahilan kaya hindi nagbabago ang tindig ng Presidente hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa sinumang negosyante ng casino sa Boracay Island.

Kumbinsido si Panelo na kung mag-iisyu ng EO ang Pangulo para walang makapag-operate ng gambling activity sa Boracay, masusuportahan at mapapalakas nito ang hindi nito nagbabagong desisyon na “No to casino.”  | ulat ni Alvin Baltazar