Pag-iikot sa mga nasunugan at biktima ng kalamidad, huwag ipakahulugang may halong pamumulitika ayon kay SAP Go

Hindi dapat ipagtaka kung nakikita man si Special Assistant to the President Secretary Bong Go na bumibisita sa mga naging biktima ng sunog at kalamidad pati na ang pakikiramay sa mga namatayan.

Paliwanag ng SAP chief, ginagawa niya lang at ipinagpapatuloy lamang ang kanilang ginagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ito’y alkalde pa lamang ng Lungsod ng Davao.

Binigyang diin ni Go na sadyang umiikot sa Davao si Pangulong Duterte noong mayor pa lang sa mga nasunugan, nabiktima ng baha gayundin sa mga may namatayan kasabay ng pahayag na itinutuloy lang nila kung ano ang nakagawian nila sa Davao.

At ngayong pambuong bansa na ang nakaatang na responsibilidad sa balikat ng chief executive, inihayag ni Go na hindi na makakaya pa itong gawin ng pangulo sa oras na naisin nito kaya’y kanya itong nirerepresenta at personal na binibisita ang mga humihingi ng tulong sa pamahalaan.

Wala aniyang pulitika at hindi pangangampanya ang ginagawa nilang pagtulong at ang pag-iikot sa mga nangangailangan ay bahagi lang ani Go ng kanilang pagsisikap na mailapit sa lahat ang mabilisang aksyon ng gobyerno sa panahon ng kagipitan.

Nitong nagdaang linggo, personal na nagpaabot ng tulong si Go sa mga nasunugan sa Old Balara sa Lungsod ng Quezon at Barangay Tambo sa Parañaque City. | via Alvin Baltazar