PAG-IBIG Fund, Ateneo De Davao Univ., lumagda ng MOU para sa housing project

Lumagda ang Pag-IBIG Fund, Ateneo de Davao University at Realty Investments, Inc., ng Memorandum of Understanding (MOU) sa isang housing project para sa mga empleyado ng nasabing unibersidad.

Ang 135 units ng AdDU Homes Xavierville ay itatayo sa Sitio San Pedro, Catalunan Grade lungsod ng Davao.

Maliban sa 135 housing units, mayroon din itong 14 na open lot units na maaaring makuha ng mga empleyado sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund Housing Loan Program.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Deputy Chief Executive Officer for Home Lending Operations Marilene Acosta, ang nasabing proyekto ay bahagi ng countryside housing initiative sa pagitan ng pamahalaan at private sectors, upang magkaroon ng disente at murang pabahay sa mga empleyado.

Sinabi naman ni Felimon Sta. Teresa Jr., senior vice president ng Business Development Sector ng Pag-IBIG Fund, mas marami pang mga miyembro ng private sector ang kanilang hinihikayat para sa nasabing proyekto, upang mabigyan ng sariling bahay ang bawat Filipino.

Napag-alaman na 15 mga kumpanya pa ang naglalayon na magkaroon ng nasabing proyekto para sa kanilang mga empleyado.