Pag-granada sa Mosque sa Zamboanga, walang koneksyon sa Jolo Cathedral bombing – Lorenzana

Walang nakikitang koneksyon ang mga awtoridad sa pagpapasabog ng granada sa isang mosque sa Zamboanga City kahapon, sa pambobomba sa Jolo Cathedral noong Linggo.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kasabay ng pagsabi na tinitignan din nila ang anggulong ito.

Pero malabo aniya ito, dahil sa nakaraan ay nagkaroon na rin ng mga pambobomba sa mga simbahan sa Davao, Cotabato at Gensan, at wala namang nangyaring paghihiganti sa mga mosque.

Giit ng kalihim, mahigit 100 taon nang namumuhay ng magkasama ang mga Kristiyano at Muslim sa Mindanao, na hindi naman nag-aaway dahil sa relihiyon.

Mas posible pa aniya na ang ISIS ang may interes na pag-awayin ang mga Kristiyano at Muslim, para magsimula ng religious war sa Mindanao.

Kaya aniya, hindi malayo na ang ISIS ang nagpasabog sa mosque sa Zamboanga para lang samantalahin ang sitwasyon. | ulat ni Leo Sarne