Pag-denounce ng mga dating rebelde sa Cordillera sa NPA, pinangunahan ni PNP Chief Cascolan

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan ang mga nagbalik loob na New People’s Army (NPA), sa pag-denounce ng teroristang grupo sa kanyang pagbisita sa Police Regional Office (PRO) Cordillera sa Camp Dangwa, La Trinidad Benguet, ngayong araw.

Mula 2018, 256 na kasapi ng kilusang komunista na binubuo ng 92 regular na miyembro ng NPA, 139 na Milisya ng Bayan, at 25 supporters ang sumuko sa Cordillera Region.

Kabilang sa mga nagbalik-loob na iniharap sa PNP Chief, ang isang dating NPA na kasama pa ang kanyang sanggol.

Kasunod nito, iprinisinta kay PNP Chief Cascolan ang mga armas na isinuko ng mga NPA sa iba’t ibang Police Provincial Office ng PNP sa Rehiyon.

Habang 32 armas ang isinuko sa Mountain Province PPO, 20 sa Kalinga PPO, 12 sa Benguet PPO, pito sa Abra PPO, at dalawa sa Ifugao PPO.

Bilang bahagi din ng kanyang pagbisita sa kampo, sinaksihan din ni Gen. Cascolan ang pagsunog ng 219 na kilo ng marijuana na nasamsam ng PRO=COR at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa rehiyon.