Pag-atake ng BIFF sa gitna ng buwan ng Ramadan, mariing kinondena ni Rep. Mangudadatu

Mariing kinondena ni Maguindanao Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu ang ginawang pag-atake ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa gitna pa man din ng buwan ng Ramadan.

Aniya, ang pag-atake ng mga BIFF sa banal na panahon ng Ramadan ay patunay lamang na walang kinikilala o pinagingilagang Diyos ang mga terorista.

Nakakalungkot din aniya na ilan sa mg recruit ng naturang teroristang grupo ay mga menor de-edad.

Hindi aniyang malayo na maraming kabataan ang nauuwi sa ganitong marahas na buhay dahil posibleng ang kanilang mga ama ay dati ring miyembro ng mga ganitong grupo na nasawi rin sa isang engkwentro.

Dahil dito binigyang diin ni Mangudadatu na dapat nang putulin ang galit at ang paniniwala sa karahasan.

Ipinagpapasalamat naman ng mambabatas na walang sibilyan ang napahamak o nadamay sa pag-atake sa bayan ng Datu Paglas noong Sabado.

“Any act of terrorism in the guise of religion, will not succeed in undermining our foundations, traditions and democratic culture. Putulin na natin ang galit at paghihiganti. There are many ways we can reaffirm our commitment to our beliefs and values without resorting to violence and unrest. Let us all advocate for peace in Maguindanao and of the whole of Bangsamoro,” saad ni Mangudadatu.