Pag-aresto sa umano’y drug Kingpin na si Peter Lim, malaking hamon sa PNP – Albayalde

Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na malaking hamon sa PNP ang pag-aresto sa umano’y drug kingpin na si Peter Lim.

Una aniya ay napakayaman ni Lim at kaya nitong magtago kung saan-saan, at pangalawa ay malawak ang koneksiyon nito.

Pero siniguro ni Albayalde na hindi rin magtatagal at maaaresto na ang Cebu-based businessman.

Ayon kay Albayalde, nakatutok ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pag-aresto kay Peter Lim at kumikilos na ang kanilang mga tracker team.

Kasabay nito, itinanggi ni Albayalde ang mga lumutang na ulat na si Lim ay naaresto umano sa Mindanao sa tangkang pumuslit sa bansa.

Ayon sa PNP Chief, walang indikasyon na nakalabas na ng bansa si Peter Lim. | ulat ni Leo Sarne