Pag-aresto sa tatlong abogado sa Makati City, walang nilabag sa UN rules – DILG

Taliwas sa pahayag ng Integrated Bar of the Philippines, walang nilabag na rules ng United Nations ang pulisya sa pag-aresto sa tatlong abogado sa anti-illegal drugs operation sa isang bar sa Makati City kamakailan.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya, kinikilala ng DILG at Philippine National Police (PNP) ang karapatan ng mga abogado sa pagtupad ng kanilang professional functions ng walang panggigipit, alinsunod sa Basic Principles on the Role of Lawyers na itinatakda ng United Nations.

Pero mali aniya ang mga abogado, nang hindi nila sinabi ang kanilang pagkakakilanlan at pumasok pa sa police line nang walang koordinasyon sa otoridad.

Nanindigan ang DILG na tama ang naging aksyon ng Makati Police at nakahanda silang ipagkaloob sa mga ito ang kaukulang tulong sakaling maharap ang mga ito sa mga kaso.

Patong-patong na kaso ang isinampa ng Makati City Police laban kina Atty. Lenie Rocel Rocha, Jan Vincent Soliven, at Romulo Bernard Alarcon.

Kabilang sa mga kaso ay ang constructive possession of illegal drugs, obstruction of justice, resistance and disobedience to persons of authorities, at paglabag sa city ordinance.  | ulat ni Rey Ferrer