Pag-aresto sa mga tambay, dati nang ipinatutupad bilang bahagi ng Oplan RODY ng PNP – PNP chief

Nilinaw ni Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde na matagal na nilang inaaresto ang mga tambay bilang bahagi ng kanilang Oplan RODY  ‘Rid the Streets of Undesirables’.

Ito ang inihayag ng PNP chief matapos arestuhin nitong weekend ang halos 3000 tambay sa National Capital Region alinsunod sa utos ng Pangulong Duterte.

Paliwanag ni Albayalde, noon pang kapanahunan niya sa NCRPO ipinatutupad ang pag-aresto sa mga tambay pero na-highlight lang ngayon dahil mismong Pangulo na ang nag-utos nito bilang bahagi ng anti-criminality campaign.

Binigyang diin ng PNP chief na ang mga tambay ay hindi inaaresto dahil sa bagansya dahil noong 2012 pa aniya na de-criminalize ang vagrancy.

Ayon kay Albayalde, ang paglabag sa iba’t ibang local ordinances at batas ang violation ng mga inaresto.

Batay sa istatistika na inilabas ni Albayalde, 944 ang inaresto dahil sa local curfew violation, 653 dahil sa drinking in public, 651 dahil sa half-naked, 456 dahil sa smoking in public at 138 dahil sa traffic violations.

Unang iniulat ng NCRPO na mahigit 4,000 ang inaresto mula Biyernes hanggang Linggo pero ang ilan sa mga ito ay pinauwi rin matapos na makapagpaliwanag sa istasyon. | ulat ni Leo Sarne