Pag-aresto kay Sen. Trillanes, walang kaugnayan sa “Red October” ouster plot – PNP Spokesperson Durana

Walang kaugnayan sa “Red October” ouster plot ang pagpapaaresto kay Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson CSupt Benigno Durana, kasabay ng pagbibigay diin na bago pa man nabunyag ang “red October” ay nasa Makati RTC na ang kaso ni Trillanes.

Nagpalabas kahapon ng arrest warrant ang Makati RTC laban sa senador dahil sa dating kasong rebelyong kinakaharap nito.

Ayon kay Durana, ipinatupad lang ng PNP ang kautusan ng Korte sa paghahain ng arrest warrant laban sa senador.

Magugunitang ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kamakailan ang planong “red October” para patalsikin ang Pangulo, na kinasasangkutan umano ng mga kalaban ng pamahalaan kabilang ang grupong Magdalo ni Sen. Trillanes, mga komunista at ilang miyembro umano ng oposisyon. | ulat ni Leo Sarne