Pag-aresto kay Satur Ocampo at hindi pag-aresto kay Imelda Marcos, hindi pwedeng ipagkumpara — PNP Chief

Binuweltahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mga bumabatikos sa PNP sa mabilis na pag-aresto kay dating Bayan Muna sectoral Representative Satur Ocampo, at sa mistulang kawalan ng aksyon ng PNP sa pag-aresto kay Rep. Imelda Marcos.

Giit ni Albayalde, hindi pwedeng ipagkumpara ang dalawang kaso dahil “inflagrante delicto” o “caught in the act” si Satur Ocampo.

Sa kaso aniya ni Ocampo, na nahuli sa checkpoint na may dalang 14 na menor de edad na walang permiso ng mga magulang ay pwedeng ipatupad ng PNP ang warrantless arrest.

Sa kaso aniya ni Rep. Imelda Marcos, ang umano’y krimen na ginawa nito ay matagal nang nangyari kaya’t kailangan na may ‘arrest warrant’ sa korte bago ito arestuhin.

Giit pa ng PNP chief, hindi nag-imbento ng kaso ang PNP laban sa grupo ni Ocampo.  Mismo aniyang mga magulang ng mga bata ang tumatayong complainant sa kasong kidnapping na isasampa ng PNP laban sa mga ito.  | ulat ni Leo Sarne