Pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa, walang kinalaman sa press freedom — Palasyo

Naniniwala ang Palasyo na walang kinalaman sa press freedom o malayang pamamahayag ang ginawang pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa kagabi.

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo na kahit sino pa ang nakagawa ng krimen, marapat lang naman na makasuhan ito alinsunod sa batas.

Sa madaling salita aniya, nagkasala si Ressa sa batas at may nakitang probable cause ang korte dahilan kung bakit ito kinasuhan.

Ayon kay Panelo, ang kasong isinampa kay Ressa ay may basehan, at binigyan naman siya ng pagkakataon ng Department of Justice (DOJ) na idipensa ang kaniyang sarili.

Sa pagkwestyon naman ng abogado ni Ressa sa oras ng pag-aresto rito, ayon kay Panelo, ginagawan nila ng ingay ang mga usapin na sa tingin nila ay mali.  Wala aniyang masama sa ginawang paglalabas ng Warrant of Arrest dahil maaari pa rin namang makapagpiyansa si Ressa.

Weekend lang naman aniya ipinagbabawal sa batas ang paglalabas ng Warrant of Arrest, kaya’t wala siyang nakikitang dapat na kinukwestyon dito.   | ulat ni Racquel Bayan