Pag-apruba sa Bayanihan 3 bill, posibleng hindi na maihabol ngayong second regular session ng kongreso ayon sa ilang senador

Ilang senador ang nag-aalinlangan kung sapat pa ang panahon para maipasa ng kongreso ang panukalang Bayanihan 3 law lalo’t dalawang linggo na lang ang natitira sa second regular session ng 18th congress.

Nakatakdang magtapos sa June 4 ang sesyon ng kongreso at sa July 26 na ito muling magbubukas kasabay ng state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Senador Sonny Angara, kailangan pang hintayin ng senado na matapos ng kamara ang deliberasyon ng Bayanihan 3 bago nila ito matalakay sa committee level.

Binigyang diin rin ni Angara na kailangan ring makipag-ugnayan ng senado sa Malakanyang para masigurong may sapat na mapagkukuhaan ng pondo para sa mga programang pinapanukala ng Bayanihan 3.

Ipinunto naman ni Senador Francis Tolentino na puno na ang schedule ng senado sa huling dalawang linggo ng kanilang mga sesyon kaya marahil ay wala nang maging panahon para sa Bayanihan 3.

Giit ng dalawang senador, mas mainam na magkaroon muna ng special audit ng mga pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 laws bago talakayin ang Bayanihan 3.

Layon ng Bayanihan 3 bill na magkaroon ng dagdag na stimulus package upang makaagapay ang iba’t ibang sektor na patuloy na naaapekttuhan ng umiiral na COVID-19 pandemic.