Pag-apruba sa 5 anti-corruption measure, inilapit ni Majority Leader Romualdez kay Speaker Velasco

Inilapit ni House Majority Leader Martin Romualdez ang limang anti-corruption measure kay House Speaker Lord Allan Velasco, para maisama sa House legislative agenda, bilang tugon sa kampanya kontra korapsyon ng adminsitrasyon.

Kabilang dito ang House Bill (HB) No. 7230 ni Sorsogon Representative Evelina Escudero, na layong dagdagan ang financial resources ng Office of the Ombudsman, sa pamamagitan ng paglalaan ng 30 percent share mula sa property forfeiture pabor sa estado salig sa Forfeiture Law; HB No. 581 at 6003, na naglalayon isama ang anti-corruption and governance education sa basic at higher education curriculum, na inihain nina CIBAC party-list Rep. Eduardo Villanueva at Domingo Rivera.

Kasama rin ang HB No. 967 ni Cavite Rep. Francis Abaya, na magbibigay proteksyon at benepisyo sa sino mang indibidwal na magre-report ng tiwaling opisyal at tatayong witness para sa kanilang prosecution; at ang HB No. 579 na bubuo sa isang National Independent Commission Against Corruption (NICAC) na magiging attached agency ng Office of the Ombudsman.

“These bills intend to combat red-tape, and graft and corruption in all fronts, starting from the education of our students, up to the support for informants and witnesses and the creation of a National Independent Commission Against Corruption,” diin ni Romualdez

Umaasa si Romualdez, na maipapasa nila ang naturang mga panuka bago matapos ang taon o sa unang bahagi ng 2021.

Kasalukuyang nakabinbin pa rin sa committee level ang nabanggit na mga house bill.