Pag-apruba ng panukalang E-governance Act, muling isinusulong ni Sen. Go

Muling umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na aprubahan na ang kanyang panukalang E-governance Act na isa sa mga hiningi ni Presidente Rodrigo Duterte bilang kaniyang priority legislations sa huling taon sa Palasyo.

Ang naturang panukala ay naglalayong pabilisin pa ang pagtugon ng pamahalaan sa paghahatid ng public service para makaahon ang bansa sa pandemya at makabalik na sa new normal.

Ayon kay Go, hindi na dapat pahirapan ang mga Pilipino sa pag-abot sa serbisyo ng gobyerno lalo pa at lugmok ang buhay dahil sa epekto ng pandemic.

Dahil umano sa COVID-19, kinakailangan ng mas mabilis na daloy sa mga transaksyon na nagagawa lamang sa face-to-face.

Sa State of the Nation Address noong July 26, hiningi ni Pangulong Duterte sa mga miyembro ng Kongreso na aprubahan ang mga panukalang batas na magagamit ng mga Pilipino para maabot ang mga serbisyo at programa ng pamahalaan patungo sa new normal.

Noong July 27 pa ng nakaraang taon unang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1738, o mas kilala sa E-Governance Act of 2020, na nag-aatas sa gobyerno na magtayo ng integrated, interconnected at interoperable information para mabilis na nag-uugnay sa National at mga local government para maihatid ang epektibong serbisyo sa mamamayan.

Dagdag pa ni Go, gamitin ang teknolohiya upang mailapit lalo ang gobyerno sa tao, mapagaan ang pinapasan ng taumbayan, at mabigyan sila ng serbisyong kailangan nila sa panahong hirap na hirap na ang lahat dahil sa krisis.

Para mas mabilis at mayroong transparent public service, ang nasabing panukalang batas ay humihikayat sa digitization ng mga paper-based at lumang sistema ng daloy ng transaksyon.

Sakaling maisabatas ito, ang mga heads ng government agencies ay inaatasang sumunod at gumawa ng mga Information and Communication Technology infrastructure, systems, equipment, designs at iba pang teknolohiya na pangungunahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ang DICT rin ang responsable na makipag-ugnayan sa lahat ng national ICT plans para sa isang database development at agency networking links.

Maliban sa e-governance bill, hiningi din ni Pang. Duterte sa kanyang SONA ang pagpasa sa iba pang panukala ni Sen. Bong Go tulad ng Senate Bill Number 2158, na magtatayo sa Center for Disease Control and Prevention o ang Philippine CDC at Senate Bill Number 2155, o ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines Act of 2021”.

Inihain din ng senador ang Fire Protection Modernization Program, Mandatory Evacuation Center Act of 2019, panukalang magtatayo ng Department of Disaster Resilience, panukalang magtayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos at panukalang magbibigay ng free legal assistance sa mga alaga ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.