Pag-amyenda sa Foreign Investments Act, aprubado na sa komite ng Kamara

Lusot na sa komite ang panukalang batas na layong amyendahan ang Republic Act 7042 o Foreign Investments Act.

Ayon kay AAMBIS-OWA Party List Representative Sharon Garin, na siya ring chair ng House Committee on Economic Affairs, inalis na ang “foreign professionals” sa mga negative list, sa ilalim ng naturang batas.

Ibig sabihin, ang mga foreign professional tulad ng doktor, abogado o kaya ay engineer, ay maaari nang makapagtrabaho o makapag-practice ng kanilang propesyon sa bansa.

Basta aniya ito ay sang-ayon sa panuntunan o regulasyon na ipinapatupad sa lahat ng mga professional sa bansa.

Para naman sa mga small medium enterprise na foreign owned, maaari na silang magtatag ng kanilang negosyo basta’t labing lima sa kanilang mga empleyado ay mga Pilipino, mas mababa sa orihinal na itinatakda ng batas na limampu.

Ayon kay Garin, paraan ito para buksan ang pintuan ng Pilipinas sa foreign direct investments, lalo’t napag-iiwanan na tayo kumpara sa mga karatig bansa natin sa Asya.

Isa lamang ang panukalang ito sa mga priority measure ng Duterte Administration na mabilis na umuusad sa kamara.