Pag-amyenda ng batas hinggil sa prankisa, pinanukala sa Senado

Naghain ng isang panukalang batas si Senate Minority Leader Franklin Drilon upang hindi na mag-expire ang isang prangkisa na mayroong nakabinbing renewal application sa Kongreso.

Sa Senate Bill 1530 ni Drilon, layong amyendahan ang section 18, book VII, chapter 3 ng revised administrative code na nagpapahintulot ng non-expiration ng isang lisensya kapag inihain ng nasa tamang oras at may sapat na requirements ang mga mag-aapply ng renewal. Ito’y hanggat wala pang pinal na desisyon sa application nito.

Sa panukala ng minority leader, papalawigin ang sakop ng probisyong ito upang maisama ang mga prangkisang ibinibigay ng Kongreso.

Paliwanag ng senador, bagamat ang isang prangkisa ay hindi isang pribilehiyo, dapat i-adjust ang rule na ito upang maiwasan ang biglaang pagpapatigil operasyon sa isang licensee na nagdudulot ng hindi magandang resulta.

Dapat aniyang iwasan ang nangyaring pagpapatigil operasyon sa ABS-CBN. Giit ni Drilon, dapat ay hindi tayo magising na lamang isang araw na wala na tayong tubig, kuryente o pampublikong transportasyon dahil lang hindi naaksyunan ng isang departamento o sangay ng gobyerno ang franchise renewal nito bago mapaso.