Pag-alis sa restrictive economic provisions sa Saligang Batas, mas makakatulong para sa pagsipa muli ng ekonomiya

Binigyang diin muli ni House Committee on Constitutional Amendments Chair at AKO Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr., ang pangangailangan sa pag amyenda ng Saligang Batas ng bansa.

Diin ng mambabatas, kahit kasi aprubahan ang tatlong economic measures na sinerptipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay hindi pa rin aniya lubusang ma-stimulate ang ating ekonomiya.

Kung matatandaan, certified as urgent na ng Pangulo ang Foreign Investments Act (FIA), Public Service Act (PSA), at Retail Trade Liberalization Act (RTLA), na layong buksan sa mga foreign investor ang bansa.

Dagdag pa ni Garbin, higit na kailangang pasiglahin ang ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.

Kasalukuyang pa rin nasa period of debates and interpellation ang Resolution of Both Houses no. 2, na layong alisin ang restrictive economic provisions sa 1987 Constitution.