Pag-alis ng pondo ng NTF-ELCAC, makakaantala sa anti-insurgency program ng pamahalaan

Nagbabala si Senador Christopher ‘Bong’ Go na maaaring mapurnada ang anti-insurgency program ng gobyerno kapag tinanggalan ng pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). 

Binigyang diin ng senador na malaki ang na ang napagtatagumpayan ng mga programa ng NTF-ELCAC kaya’t hindi siya sang-ayon na sa kalagitnaan ng programa ay puputulin ito. 

Sinabi rin ni Go na ang pondo ng NTF-ELCAC ay ginagamit, hindi para makipagsagupaan sa mga rebelde, bagkus ay para sa pagtulong sa mga barangay para hikayatin sila na may maitulong sa kanilang komunidad na umunlad. 

Sa ilalim ng 2021 national budget, P16 billion ang pondo ng NTF-ELCAC para sa Barangay Development Program na layong paunlarin ang mga komunidad na napalaya na mula sa insurgency. 

“’Yung pondo po para sa NTF-ELCAC, hindi naman po para makipagpatayan. Ang pondo po na ito ay tulong po sa mga barangay, insentibo po para sa mga barangay para hikayatin po sila na may maitulong po sila dun sa komunidad na nila, para po umunlad yung barangay. Kung makakatulong naman ito sa kampanya sa pag unlad ng bayan, hindi po ako sang ayon na putulin po ngayon sa kalagitnaan dahil maganda na po ang takbo ng kampanya.” pahayag ni Sen. Go.