Pag-alis ng mga toxic school supplies sa mga pamilihan, hiniling ng isang environmental group habang papalapit na ang pasukan

Umapela na sa mga kinauukulan ang EcoWaste Coalition para alisin sa mga pamilihan ang mga school supplies na nadiskubre na kontaminado ng toxic chemicals.

Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon, dapat pagtuunan ito ng pamahalaan lalo pa’t dagsa na sa pamimili ang mga magulang dahil sa nalalapit nang pasukan sa klase sa Hunyo.

Nadiskubre ang mga toxic school supplies nang ipasuri sa pribadong laboratoryo ng grupo ang mga pinamiling gamit sa ilang retail outlets at nakitaan ito ng mataas na antas ng lead at cadmium na kabilang sa tinatawag na” ten chemicals of major public health concern” ng World Health Organization (WHO).

Ang lead ay isang toxic chemical na ipinagbabawal sa paggawa ng school supplies alinsunod sa Department of Environment and Natural Resources Administrative Order 2013-24 o Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds.

Pangunahing epekto ng pagkakalantad sa lead ang pagkakapinsala sa utak ng tao, pagkaantala sa paglaki ng buto at laman, panghihina ng katawan, problema sa pandinig, pagsasalita at pagkatuto, mahinang IQ at pagiging agresibo at marahas at iba pa.

Habang ang cadmium ay isa ring uri ng toxic chemical na nakakapinsala sa kidney, buto at sistema ng paghinga. Nagdudulot din ito ng sakit na cancer, base sa pag aaral ng International Agency for Research on Cancer.

Kabilang sa mga inirekomendang alisin sa pamilihan ang Artex Fine water colors (yellow cake), MPC Classique water colors (yellow cake), Fairyland Crayons(orange stick), ang Mcqueen Backpack, PVC raincoat na may disenyong “Ben10”, backpack na may disenyong “Frozen”, at backpack na may disenyong”Hello Kitty”. | via Rey Ferrer