Pag-alis ng mandatory 14-day quarantine sa papasok ng bansa at nabakunahan na vs. COVID, iminungkahi

Nanawagan si Senate President Vicente Sotto III sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Department of Health (DOH), na alisin na ang utos na mandatory 14-day quarantine sa mga indibidwal na papasok ng Pilipinas at nabakunahan na kontra COVID-19. 

Sa isang pahayag sinabi ni Sotto, na ang pagmamandato ng 14-day quarantine ay taliwas sa layuning magbakuna ng mas maraming indibidwal, para mabuksan na ang ekonomiya ng ating bansa. 

Aniya, kapag nagpatuloy pa ito ay hindi pupunta ng Pilipinas ang mga mamumuhunan na nabakunahan na, dahil kakailanganin pa nilang mag-quarantine.

Maging ang mga Pinoy aniya na bakunado na ay nagdadalawang isip na ring magbalik-bansa. 

Matatandaang una nang sinabi ng DOH, na wala pang sapat na ebidensyang makapagpapatunay na ang isang indibidwal na nakakuha na ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccine, ay hindi na magkakasakit nito o makakapanghawa ng ibang tao.  

Bukod dito, nais na rin ni Sotto, na ipatigil na rin ang pagmamandato sa pagsusuot ng mga face shield dahil hindi pa naman aniya ito napapatunayang epektibo sa pag iwas sa virus, at wala ring ibang bansa sa mundo ang gumagawa nito.