Pag-administer sa doses ng Pfizer vaccine sa Parañaque, inabot lang ng 2 araw

Natapos na ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque ang unang rollout ng pagbabakuna sa mga residente, gamit ang inilaang doses ng Pfizer-BioNTech.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, sa loob ng dalawang araw ay naubos nila ang alokasyon ng Department of Health.

Nasa 9,000 doses ng Pfizer ang ipinagkaloob sa lungsod, ngunit itinabi na ang kalahati nito para masiguro ang second dose ng mga nakinabang.

Inanunsyo rin ni Olivarez, na sisimulan na ng local government units sa Metro Manila ang pagbabakuna sa economic frontliners, na napapabilang sa A4 category.

Isinasapinal pa aniya ang petsa ng pag-arangkada ng vaccination, dahil nangangailangan pa na maging sapat ang suplay ng bakuna.

Gayunman, sa June ay inaasahan ng NCR mayors na bubuhos ang mas maraming suplay base sa taya ng national government.