Pag-aaral sa pagtuturok ng magkaibang brand ng bakuna o vaccine-mixing, aabutin ng mahigit 1 taon ayon sa DOST

Inaasahang tatagal ng 18 buwan ang isasagawang pag-aaral sa vaccine-mixing, o pagtuturok ng magkakaibang brand ng bakuna laban sa COVID-19 sa isang tao.

Ito ang inihayag ni Dr. Jaime Montoya, ang Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST).

Ayon pa kay Dr. Montoya, ang nakapagpapatagal sa proseso ay ang pagfollow-up sa kalagayan ng mga kasama sa pag-aaral, at ito ang inaasahang aabutin ng isang taon.

Sinabi pa nito na gustuhin man nilang simulan agad ang pag-aaral ay mayroon pa ring proseso na dapat sundin para makakuha ng permiso upang maisagawa ang clinical trial.

Ayon pa kay Dr. Montoya, kahit nangangalahati pa lamang ang kanilang pag-aaral ay magsusumite na sila ng paunang datos sa Food and Drug Administration para sa kanilang pagsusuri.