PAF, ipinagmalaki ang kanilang ikalawang tauhan na nag-uwi ng medalya sa Tokyo Olympics

Binati ni Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Allen Paredes si Airman First Class Eumir Marcial sa kanyang pagkapanalo ng bronze medal sa Men’s Middleweight Division sa Tokyo Olympics 2020 kahapon.

Kasunod ni Staff Sgt. Hidilyn Diaz na nanalo ng gintong medalya sa women’s weightlifting 55kg division, si Marcial ang pangalawang tauhan ng Air Force na nag-uwi ng medalya sa Tokyo Olympics.

Sinabi ni Lt. Gen. Paredes na ipinagdiriwang ng buong PAF ang makasaysayang kagkapanalo ni Marcial ng pangatlong medalya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics.

Ayon kay Lt. Gen. Paredes, si Marcial ang kumakatawan ng Diwa, Galing at Malasakit ng mga Airmen ng PAF.

Si A1C Marcial, na tubong Zamboanga, ay pumasok sa PAF bilang active personnel noong 2013 at kasalukuyang organic personnel ng PAF Civil Military Operations Group.

Noong 2019, nanalo si Marcial ng silver medal sa Men’s Middleweight (75kg) Category sa AIBA World Boxing Championships sa Ekatarinburg, Russia.