Padulas, malayo sa kategorya ng expression of gratitude – Malacañang

Nanindigan ang Malacañang na hindi nito kinukunsinti ang “padulas” sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng naging pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang masama kung tumanggap ang mga pulis ng regalo mula sa mga natulungan nito.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Spokesperson Salvador Panelo, magkaiba ang padulas sa expression of gratitude.

Binigyang diin ni Panelo, na ang padulas ay nasa kategorya ng korupsiyon at nangyayari kapag ang isang empleyado ng pamahalaan ay kikilos lang para gawin ang kanyang trabaho kapalit ng isang halaga, bagay o pabor.

Iba naman aniya sa kabilang banda ang kusang loob na nagbibigay ng regalo, dahil sa nagustuhang serbisyo ng isang kawani ng pamahalaan.

Wala aniyang masama dito ayon kay Panelo, lalo’t bahagi ng kultura nating mga Pilipino na tumanaw ng utang na loob sa isang nakagawa ng mabuti sa atin.