Pacquiao, irerekomenda ang pagsibak sa ilang opisyal at tauhan ng LRA at DENR sa GenSan na umano’y sangkot sa fake right-of-way claims

Iginigiit ni Senador Manny Pacquiao na mapalitan ang ilang opisyal sa Land Registration Authority (LRA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa General Santos City makaraan na madiskubre ang umano’y P8.7-billion fake road right-of-way claims sa naturang lungsod.

Sa panayam, sinabi ni Senador Pacquiao, chairman ng Senate Committee on Public Works ang Highways, kung siya ang masusunod, gusto niyang mapalitan na ang mga opisyal at ilang kawani ng LRA at DENR sa GenSan nang dahil sa mga iregularidad na umano’y kinasasangkutan ng mga ito.

Una rito, nagsagawa ang committee ni Pacquiao at ang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan naman ni Senador Richard Gordon sa nasabing fake road right-of-way claims.

Ayon kay Pacquiao, base sa kanilang mga nakuhang dokumento at iba pang ebidensya, lumalabas na mas malawak pa ang sakop ng operasyon ng sindikato sa nasabing fake road right-of-way claims at maaaring nakapasok na sa iba pang rehiyon.

Sa bahagi ni Senador Gordon, kanya ng naunang sinabi na handa na nilang pangalanan ang mga sangkot umano sa right-of-way claims scam at kanilang irerekomenda ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa lahat ng natukoy na sangkot umano sa scam sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng land titles na tinataya na nasa may 600 titulo.

Ani Pacquiao, hindi magagawa ng mga sindikato ang mga bagay na ito kung wala silang kasabwat sa loob ng City Assessor’s Office, local at regional offices ng Department of Public Works and Highways, Land Registration Authority at ang Commission on Audit (COA). | via Jojo Ismael