PACC, tuloy ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa GCTA

Walang makapipigil sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para ipursige ang imbestigasyon sa kontrobersiya na Good Conduct Time Allowance (GCTA) na hinihinalang nagiging gatasan ng ilang mga tiwaling taga Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ang binigyang diin ni PACC Commissioner Greco Belgica, kasunod ng pahayag ni Ombudsman Samuel Martirez, na mas makabubuting hayaan na lang muna sila ang magsagawa ng imbestigasyon sa isyu para maiwasan ang posibleng conflicting findings.

Pero ayon kay Belgica, mismong galing kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan, na sila ay kumilos at magsagawa ng pagsisiyasat kaya’t walang dahilan para itigil ang sinisimulan na nilang pag-iimbestiga sa GCTA.

Hindi rin aniya maaaring kuwestiyunin ang kanilang hurisdiksyon sa pag-iimbestiga, dahil rekta silang mananagot sa Presidente at hindi sa Ombudsman kung hindi sila tatalima sa naturang direktiba ng Pangulo.

Sa ngayon ani Belgica, ay nagsisimula na silang tingnan ang posibleng mga anomalya sa GCTA at katunayan dito ang ginagawa nila ngayong inspeksiyon sa BuCor.