PACC sa iba pang cabinet members: Kusang loob na ding sumailalim sa lifestyle check, gaya ni DOTr Sec. Tugade

Nanawagan ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga miyembro ng gabinete na tularan ang kanilang kasamahan na si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, na nagkusang humiling na siya’y mapasailalim sa lifestyle check.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, dapat gayahin ng mga cabinet member ang ginawang hakbang ni Secretary Tugade, na maging ang top officials ng departamento na kanyang pinamumunuan ay hiniling din nitong dumaan sa kaukulang lifestyle check.

Kapuri-puri ani Belgica ang inisyatibo ni Tugade, na magpa-imbestiga at ipasiyasat ang lahat ng kanyang mga kawani na humahawak ng puwesto, tao at pondo.

Ang hakbang ng kalihim, ayon kay Belgica, ay ginawa kasunod ng pagkakasakote sa mga may kinalaman sa P800 million scam sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), habang agad din nitong pinatanggal ang mga cashier sa main office ng ahensiya, at pinapalitan ang security agency sa tanggapan.

Sa gitna nito, binigyan diin ng PACC official, na hindi niya pinipilit ang mga miyembro ng gabinete na gawin din ang ginawang hakbang ni Tugade, at sa halip, maaaring kusang loob nila itong gawin nang hindi napipilitan.