PACC Comm. Belgica, kinasuhan sa Ombudsman ng mga empleyado ng Duty Free PH

Patung-patong na kaso ang isinampa ng mga empleyado ng Duty Free Philippines sa Office of the Ombudsman laban kay Presidential Anti-Crime and Corruption Commissioner Greco Belgica.

Ito ay dahil sa umanoy katiwalian na kanyang ginawa bilang commissioner ng PACC.

Ayon sa mga empleyadong sina Alexander Sablan, Ernesto Mangalindan, Romeo Silva Jr., Eric Oracion, Rizalino Santos, Nilo Duarte, Joaquin Vibal, Francis Daco at Carlito Ardales, lumapit sila kay Belgica para himingi ng tulong matapos silang tanggalin bilang mga empleyado ng Duty Free Philippines. 

Nangako umano sa kanila si Belgica na sila ay tutulungan na lutasin ang kanilang kaso at umasang maibabalik sa kanilang trabaho. 

Pinagbayad din daw sila ng ₱130,000 sa bawat pahina ng kanilang reklamo at pinapirma sa mga dokumento na may kaugnayan sa smuggling sa loob ng Duty Free Philippines.

Maraming beses din daw silang inimbitahan ng komisyoner para pag-usapan ang kanilang kaso.

Makalipas ang tatlong taon ay naglabas ng rekomendasyon si Belgica subalit ang mga inireklamo nilang opisyal ng Duty Free ay hindi kasama sa mga kakasuhan. 

Duda ang mga mabanggit na empleyado na prinotektahan ni Belgica si Duty Free Philippines Chief Operating Officer Vicente Pelagio Angala kapalit ng maaaring suportang ibibigay sa political ambition ng opisyal. 

Dahil dito, umaapela sila kay Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence Bong Go na pakinggan ang kanilang hinaing na maibalik sa kanilang mga trabaho at imbestigahan ang korapsyon sa PACC ni Commissioner Belgica at Duty Free Philippines.

Sinubukan ng mga media na tawagan si Belgica para sa kanyang panig ngunit tumanggi itong magbigay ng kanyang depensa.